Sunday, September 28, 2008

alaala ng taglagas

ALAALA NG TAGLAGAS

-ehLai-

“Sa buhay ng tao hindi lahat pangmatagalan, dadating din ang panahon may mga bagay na dapat ng bitawan”


Sabi nila, kung merong pinaka swerteng tao sa mundo, ako na siguro ΄yon. Nasa akin na daw kasi ang lahat. I have the face, I have the talent, I have the brain. Galing ako sa magandang pamilya, marami akong kaibigan, maraming nagmamahal sakin. Nakukuha ko lahat ng gusto ko ng hindi nahihirapan. Biruin mo, nasa harap ko na iaabot pa sakin. Tinitingala ako ng karamihan, iniidolo ako ng kabataan, mahalaga ako para sa lahat. In short, mayaman kami, madaming pera. Hari kung ituring. Hanggang isang araw…”

Nang makita ni Eric sa kanilang lumang relo na malapit ng mag alas dose, nagmamadali itong tumakbo papunta sa napakaliit nilang kwarto. kinuha niya ang nagiisang litrato ng kanilang namatay na mga magulang at bunsong kapatid na babae.

Mahigit sampung taon na ang nakakalipas ng maulila silang dalawang magkapatid na lalaki. Sa hindi inaasahang pangyayari habang pauwi galing sa bakasyon, bumangga ang kanilang sasakyan at sa kasawiang palad silang dalawa lang ang nakaligtas. Kasama sa nangyaring trahedya ang pagkamatay ng kanilang mga magulang at bunsong kapatid na babae kasabay nito ang pagkawala ng lahat ng ariarian nila sa kanila. Parang isang dagok sa kanila ang pangyayaring ΄yon lalu na sa panganay na kapatid ni Eric na si Nick. Bata pa lang ay ginawa na niya ang napakalaking responsibilidad na iniwan sa kanya, ang maging magulang kay Eric. Sinikap ni Nick na maging mabuting kapatid, sa kanyang murang edad ay pinili pa niya ang magtrabaho kaysa magaral kahit papano naman ay nakatapos siya ng highschool kaya hindi naging ganon kahirap ang makahanap siya ng pagkakakitaan. Sa loob ng mahabang panahon namuhay silang malayo sa nakasanayan nila. Pero kahit ganon ay pinilit nilang makapagaral kahit isa sa kanila.

“Eric! Bilisan mo late na tayo.” sigaw ni Nick kay Eric na nakatingin pa din noon sa litrato. “Wait kuya! Sandali.” sunod-sunod na sagot ni Eric kay Nick na nagbibihis ng mga oras na ΄yon.

“Alam ko naririnig n΄yo ako. Sa inyo at kay kuya ko idededicate ang diploma na makukuha ko mamaya.” ang sabi n΄ya sa hawak n΄yang litrato.

Ilang oras pa at sila ay nagpunta na sa graduation. Hindi maipaliwanag ang saya na nararamdaman ng dalawa ng matanggap na ang diploma. Hindi naman naiwasan ni Nick na mapaluha sa nakamit na tagumpay ni Eric. Pero alam n΄ya na ang tagumpay ng isa ay tagumpay nila pareho.

“Kuya! Para sayo ΄to” sabi ni Eric kay Nick “bakit ang dami mong pasa kuya?” pahabol ni Eric. “Wala ΄to, o regalo ko.” sagot ni Nick, nagpapanggap na wala s΄yang alam sa sakit n΄ya. “LIBRO?!” salamat kuya, pero sana hindi ka na nagabala pa at idinagdag mo na lang sa ipon natin pangpagawa ng bahay.” sumbat ni Eric.

Gabi na ng makarating sila sa bahay. Deretso si Nick sa kusina para makapaghanda na ng hapunan at si Eric naman ay sa kwarto. naisip kasi niyang silipin ang ipon nila. Pero hindi n΄ya nakita ang pera. Galit na galit s΄yang lumabas at nagpunta kay Nick.

“NASAN ANG PERA KUYA?” galit na galit n΄yang tanong kay Nick.

Pero hindi na n΄ya hinintay na makapagpaliwag si Nick. Tumakbo s΄ya palabas ng bahay at hindi nagsabi kung sa΄n pupunta. Susundan sana ni Nick pero parang bibigay na ang kanyang katawan dahil sa sakit n΄ya. Minabuti nitong magpahinga na lang at maghintay sa paguwi ni Eric.

“Bakit nagawang maglihim sakin ni kuya?” paulit-ulit na tanong sa sarili habang nakatingin sa tatlong magkakalapit na bituin sa langit. Pinagpapalagay n΄yang kaluluwa ΄yon ng namatay n΄yang mga magulang at kapatid.

Minabuti ni Eric na ΄wag na munang magpakita kay Nick. Mamuhay ng magkalayo sila. Pero kahit ganon hindi s΄ya nakakalimot. Patago s΄yang nagpapadala ng ano mang pangangailangan ng kapatid. Alam niya ang mga hirap at sakripisyo ni Nick para sa kanya. Maayos ang naging buhay ni Eric, may sapat na kita at magandang trabaho. Sa katunayan, isa s΄yang sikat na writer sa isang sikat na kumpanya.

Isang umaga, habang naghahanda papasok sa trabaho, hindi niya inaasahang makatanggap ng sulat. Ang sulat ay galing sa isang doctor at pinapupunta s΄ya sa ospial kung nasan nandon si Nick.

Nagmamadaling nagpunta si Eric sa ospital at doon nakita niya si Nick, nakahiga at hindi na makabangon dahil sa sakit.

“Eric? buti at…”

“Shhh… Hinding-hindi na kita iiwan kuya.”

“Pwede ka bang makausap sandali?” sabi ng doctor kay Eric. mukhang may sasabihing importante.

“ Sana ay hindi mo minasama ang pagsulat ko, Minabuti kong sabihin ΄to ng personal. Hindi pa pala n΄ya nasasabi sayo. Mahigit apat na taon na s΄yang may Leukemia, ayaw lang ipasabi sayo.”

Parang pinagbagsakan si Eric ng langit at lupa. Pinagsisisihan n΄yang umalis pa s΄ya sa bahay nila. Ang daming oras ang sinayang n΄ya. Hindi man lang n΄ya nagawang alagaan ΄to nung mga unang araw na hirap na hirap ito, iniwan pa n΄ya at binigyan ng sama na loob.

Isang araw habang nagpapahinga si Nick, tinawag n΄ya si Eric, nagbabasa s΄ya noon ng dyaryo. Gusto nitong makipagkwentuhan sa kapatid habang may oras at panahon pa silang gawin ito.

“Naalala mo ba nong mga bata pa tayo. Lagi tayong magkaaway. Wala na tayong mapagkasunduan. Naalala ko nga noong hinabol mo ako sa beach dahil nasira ko laruan mo, iyak ka ng iyak no΄n.”

“At dahil sa sobrang takot mo kay Papa, hindi ka umuwi nong gabi tapos kinabukasan nakita ka namin sa garden ni Mama, lamig na lamig.”

“Ikaw din kaya, nong nabasag mo ang salamin ng kotse natin. Hindi ka umuwi.”

“O nga, buti nga pinagtanggol mo ako kuya. Takot na takot talaga ako kay Papa.”

Kita sa mukha ni Nick ang saya ng marinig ΄yon kay Eric. Pero kita din ang hirap na nararamdaman n΄ya dahil sa sakit. Nagpatuloy ang dalawa sa kwentuhan.

“Nong birthday ni bunso, naaalala mo ba kung ano regalo natin?”

“Pusa! Napulot natin sa school.”

“Tanda mo pa?”

“Makakalimutan ko ba ΄yon first and last nating regalo ΄yon kay bunso.”

“O, ΄wag ka ng malungkot. Ganyan lang talaga ang buhay, may nauuna at may naiiwan. Nagkataon lang na nauna ang mga magulang natin at si bunso, at ngayon ako!”

Hindi maipaliwanag ni Eric ang nararamdaman ng sabihin ΄yon ni Nick. Hindi n΄ya maisip na masasabi ΄yon mismo ni Nick. Parang nawalan na ito ng pagasa at tinatanggap na ang sariling kamatayan. Natahimik ang dalawa, dahan-dahang ipinikit ni Nick ang kanyang mata, kasabay ng pagpatak ng ulan ay ang mga luha sa kanyang mga mata.

“Ang tabing-daga, ang ulan.” napapangiting sinabi ni Nick. Parang pinakikiramdaman ulit niya ang mga ito habang pwede pa.

Hindi na din naiwasang mapaluha ni Eric. Pakiramdam n΄ya ay nagpapaalam na ito at sinasabihan s΄yang maghanda at magpakatatag. Sinaraduhan ni Eric ang bintana dahil akala n΄ya ay nilalamig si Nick.

“Teka! ΄wag mong sarhan. Gusto kong Makita ang langit.”

“Gusto ko ang araw, buwan at bituin, napakabuti nila.”

“Eric, gusto ko umuwi ka ng maaga mamaya, maglakad, pagmasdan mo ang langit. Gawin mo ΄to para sakin.”

“Kuya…”

“Naalala mo ba ang librong regalo ko sayo? Basahin mo ΄yon. Nakalagay ΄yon kung sa΄n mo iniwan”

Maya-maya pa ay umalis na si Eric. Gabi na ng makarating siya sa bahay. Hinanap agad n΄ya ang libro. Nasa lamesa kung sa΄n n΄ya iniwan. Walang pagbabago, halatang-halatang hindi nagalaw. Pagbukas niya, nakita n΄ya ang isang susi at litrato ng isang bahay. Galit na galit s΄ya sa sarili, kung binigyan lang sana niya ng pagkakataong makapagpaliwanag si Nick, hindi na sana sila nagkahiwalay. Wala na s΄yang ibang magawa kundi magalit sa sarili.

Nagmamadali itong umalis at nagpunta sa ospital. Umaasang aabutan pa si Nick na buhay. Sa awa ng diyos, tulad ng inaasahan ay naabutan pa niya ito. Nagpapahinga nong mga oras na ΄yon.

Minabuti ni Eric na ΄wag ng abalahin sa pagpapahinga kaya pumunta na lang ito sa chapel na nasa loob ng ospital. At doon tahimik s΄yang nagdasal. Tahimik ang buong paligid nang biglang may umimik sa may likuran n΄ya.

“Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Nick kay Eric.

“Marami akong gustong itanong sa kanya.”

“Naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Puro galit ang laman ng puso mo kaya pati s΄ya sinisisi mo sa lahat ng nangyari. Pero ayaw kong isipin mo ΄yon. Eric, hiram lang natin ang buhay natin nakatadhana na kung kelan niya ito babawiin.”

Alam ni Nick ang sakit na nararamdaman ni Eric.kaya ganon ang pagintindi n΄ya dito. Takot si Eric na maiwan at takot naman si Nick na iwan ito. Kaya kahit sa huling oras ni Nick pinaintindi n΄ya ang mga bagay na hindi maintindihan ni Eric.

“Hindi ito katapusan para sayo Eric, isa ΄tong simula.”

“Gusto ko magkasama tayo sa simula kuya.”

“Magkalayo man tayo, hindi ka man abot ng mga mata ko, mananatili ka naman lagi sa puso ko.”

Ito ang mga huling salita ni Nick na narinig ni Eric. Hindi na n΄ya napigilang mapaiyak. Pakiramdam n΄ya nawalan s΄ya ng magulang, kapatid at higit sa lahat matalik na kaibigan.

Hindi naging madali para kay Eric ang pagtanggap sa pagkawala ni Nick. Kaya inubos n΄ya ang oras niya sa trabaho, pagsusulat ng mga libro at iba pang babasahin. Ayaw niya na mawawalan siya ng ginagawa. Alam pati n΄ya na ayaw ni Nick na masyado s΄yang magpakalungkot.

Makalipas ang ilang buwan unti-unti na ding naintindihan ni Eric ang matagal ng gustong ipaintindi ni Nick sa kanya. Naisip niya na tama si Nick.

Isang araw nakatanggap si Eric ng imbitasyon sa isang Awardings. Kung sa΄n isa s΄ya sa mga writer na makakatanggap ng award. Matagal na niyang pangarap ΄yon pero hindi niya inaasahan sa pagkakataong ito. Wala pa sa nasabing celebrasyon ay nakakaramdam na ito ng kaba. Pero naisip niya ang kapatid, ang mga hirap at sakripisyo nito sa kanya. Kaya pinaghandaan niya ito.

Ala sais pa lang ng umaga ay bumangon na si Eric sa higaan. Dumating na ang araw na pinaka hihintay n΄ya. Matagal din niya itong pinaghandaan.

“ Sana nandito ka kuya.”

Kita sa mukha ni Eric ang pananabik sa kapatid. Magkahalong lungkot at saya ang kanyang nararamdaman. Pero alam niyang masaya ang kanyang mga magulang at mga kapatid para sa kanya.

Tulad ng nakasanayan bago umalis ay nagpunta muna ito sa kwarto. kinuha ang litrato at inilagay sa bulsa. Nasa daan pa lang ay panay ang tingin niya sa litrato.

Nang makarating sa Awardings, at marinig na niya ang pangalan, nagpunta ito sa stage. Takot at kaba ang nararamdaman niya pero naisip niya ang kapatid. Dito s΄ya kumukuha ng lakas ng loob kahit nong nabubuhay pa ito.

Ala sais na ng hapon ng matapos ang celebrasyon. Hindi na ganon kataas ang araw pero naisip pa din niyang dumaan sa pinaglibingan ng mga magulang at kapatid, upang doon magpalipas ng oras.

“Mama, Papa, Bunso, Kuya!” sabi niya habang nakaupo at nakatingin sa langit.

“Alam ko naririnig n΄yo ako. Kayo ang dahilan kung ano at sino ako ngayon, malamang kung wala kayo, wala din ako. Kaya sa inyo ko idinededicate ito.”

Naalala n΄ya bigla si Nick ng mapatingin siya sa paglubog ng araw. Ito kasi ang paborito niyang parte ng maghapon. Ayon dito, sa paglubog ng araw dala nito ang mga bagay na gusto na niyang kalimutan sa maghapon.

Habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw naisip niyang tapusin na ang ginagawa niyang nobela. Agad itong kumuha ng ballpen at papel sa bulsa at agad na nagsimulang magsulat.

“…Hindi ito tulad ng inaasahan ko, akala ko katapusan na ng lahat ng mawala ang mga mahal ko sa buhay. Ang pagkamatay ng mga magulang ko, ang pagkamatay ng mga kapatid ko. Parang isang taglagas ang buhay ko. Pero hindi ito katapusan ng lahat, isa itong simula. Nang mamatay ang nakatatandang kapatid ko, sakit at pangungulila ang naramdaman ko pero maraming bagay pa ang iniwan niya sa akin, mga bagay na dahilan para magsaya at magdiwang. Matagal bago ko ito naunawaan. Bakit sa kabila ng pangungulila pakiramdam ko masaya ako, sa kabila ng sakit na nararamdaman ko may dahilan pa para magdiwang ako. Lahat ng ito itinuro ng kapatid ko. At ang pagtanggap sa sariling kapalaran at pagmamahal ng sobra sa buhay ang pinaka magandang iniwan sakin ng kapatid ko at kailan man hinding hindi ko ito kalilimutan.”

eric